Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Kabataan
Ginampanan ng mga kabataan ang mahalagang papel sa kasaysayan ng Bahá’í. Ang Báb Mismo ay nagpahayag ng Kaniyang misyon noong Siya ay dalawampu't limang taong gulang lamang at napakarami sa pangkat ng Kaniyang mga tagasunod ay nasa kasagsagan ng kanilang kabataan nang kanilang tanggapin ang Kaniyang Rebelasyon. Sa mga panahon ng panunugkulan nina Bahá’u’lláh at ni 'Abdu'l-Bahá, nangunguna ang mga kabataan sa mga pagsisikap upang ipahayag ang mensahe ng bagong Pananampalataya at ibahagi ang mga turo nito sa iba.
Sa pagsunod sa landas na binuksan ng mga ito at ng iba pang bukod-tanging mga tao, libu-libong mga kabataang Bahá’í ang nagsibangon sa bawat salinlahi upang tumugon sa panawag ng Bahá’u’lláh. Ang kanilang mga pagsisikap ay ginagabayan ng Pinuno ng Pananampalatayang Bahá’í—sa ngayon, ang Universal House of Justice—na naghihikayat sa mga kabataang Bahá'í na gamitin ang lakas at siglang katangian ng panahon ng kabataan at magbigay ng napakahalagang mga tulong sa pagsulong ng kabihasnang espiritwal at materyal.
Ang saklaw ng patnubay at panghihikayat na ibinigay ng Universal House of Justice at ang tugon ng mga kabataang Bahá’í ngayon ay napakalawak, at ang mga gawaing ibinubunga nito ay lubhang magkakaiba-iba upang mailarawan dito sa kabuuan nito. Kung gayon, ang mga pahinang tinipon para sa paksang ito ay nakatuon sa isang halimbawa: ang serye ng mga kumperensya ng mga kabataan sa 114 na mga tagpo sa buong daigdig na ginanap noong 2013 at ang dagsa ng mas maliliit na mga pagtitipong nagaganap mula noon.
Mababasa ang mensahe ng Universal House of Justice para sa libu-libong mga kabataang nakilahok, mapapanood ang isang serye ng maiikling mga pelikula na pinamagatang "To Serve Humanity", at makikita ang mga ulat mula sa bawat isa sa mga pagtitipon noong 2013 sa isang tanging bahagi ng website ng Bahá'í World News Service.
Bilang karagdagan, ang mga lathalaing inihaharap sa ibaba, na binubuo ng mga sipi mula sa mga araling pinag-aralan sa mga kumperensya at sa kasunod na mga pagtitipon, ay nagbibigay-diin sa mga aspeto ng mga usapan sa pagitan ng mga kalahok habang sinisisayat nila ang mga temang nasa kaibuturan ng kanilang paglilingkod sa sangkatauhan.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
