Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
The Baha'i Faith
Nineteen Day Feast
Minsan sa bawat labinsiyam na araw, nagdaraos ng mga pagpupulong sa bawat lokalidad ng pamayanang Bahá’í. Tinaguriang “Nineteen Day Feast”, ang mga pagtitipon na ito ang pinakasaligan ng pamumuhay ng pamayanang Bahá’í.
Ang Feast ay itinalaga ni Bahá’u’lláh sa Kitab-i-Aqdás; Pinayuhan Niya ang Kaniyang mga tagasunod na magtipon minsan sa bawat buwan ng Bahá’i, kahit na "tubig lamang ang ihahain". "Ang kapistahang ito", ang sabi ng 'Abdu'l-Bahá," ay idinaraos upang pagyamanin ang mabuting samahan at pag-ibig, upang gunitain ang Diyos at sumamo sa Kaniya taglay ang pusong nagsisisi, at upang himukin ang mga kawanggawa.” “Pinagagalak nito ang isip at puso", isinulat Niya sa isa pang sipi. “Kung ang Feast na ito ay gaganapin sa wastong paraan, minsan sa loob ng labinsiyam na araw, matutuklasan ng mga kaibigan ang kanilang mga sarili ay nanumbalik ang dating pagka-espiritwal, at pinagkalooban ng kapangyarihang di-makalupa.”
Bagaman ang Nineteen Day Feast ay maaaring magkakaiba sa panlabas na anyo sa iba't ibang bahagi ng daigdig, na inilalarawan ang mga kalagayan at mga kaugalian ng pamayanang lokal, laging kasama sa programa nito ang pagbasa ng mga panalangin, may yugtong nakatuon sa pagbabahagi ng mga balita at pagsasanggunian sa mga gawain ng pamayanan, at isang bahagi para sa pakikisalamuha at mabuting samahan. Ang Nineteen Day Feast ay nagbibigay ng isang pagkakataon sa pamayanan upang magtipon at pag-usapan ang mga gawain nito, at para sa Local Spiritual Assembly—ang lokal na lupong namamahala sa pamayanang Bahá'í—upang malaman ang mga alalahanin ng pamayanan at upang palakasin ang ugnayan nito dito. Ang pagsasanggunian sa regular na mga pagtitipong ito ay lumilikha rin ng isang puwang upang ang lumalaking kamalayang panlipunan ay makahanap ng nakabubuting paghahayag at madalas itong humahantong sa paglitaw ng maliliit na mga grupong abala sa paggawa.
Sa isang tiyak na araw sa bawat buwan, kung gayon, sa libu-libong mga lokalidad sa halos lahat ng teritoryo sa planeta, ang mga pangkat ng mga kaibigan ay nagtitipon sa isang diwa ng pag-ibig upang magdasal, upang pag-isipan ang kanilang sariling espiritwal na pag-unlad, at upang magsanggunian tungkol sa kanilang indibidwal at sama-samang mga pagsisikap—gaano man ito kaliit—upang mapabuti ang pamumuhay ng kanilang mga pamayanan. Sa bawat pagkakataon ang mga pagsasanggunian ay ginagabayan ng iisang larawang-isip ng higit na mabuting daigdig, at ang mga kalahok—kapuwa kalalakihan at kababaihan, bata at matanda—ay nagpapamalas ang kapansin-pansing antas ng pagkakaisa, hindi lamang sa paniniwala nilang lahat tungkol sa pangunahing mga simulain na tatangi sa higit na mabuting daigdig na ito at gayunding sa mga pamamaraan at mga para-paraan na kanilang ginagamit sa kanilang pang-araw-araw na buhay upang makatulong sa unti-unting pagsasakatuparan nito.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
