Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Pagtugon sa Panawagan ni Baha’u’llah
Isang napakahalagang konsepto sa mga Katuruang Baha’i na ang pagpapabuti ng sariling panloob na kaugalian at ang paglilingkod sa sangkatauhan ay mga aspeto ng buhay na hindi maipaghihiwalay. Sa isang liham na isinulat sa ngalan ni Shoghi Effendi ay nakasaad:
Hindi natin maihihiwalay ang puso ng tao mula sa kapaligiran sa labas natin at sasabihing kapag ang isa sa mga ito ay nagbago na ang lahat ay mapapabuti. Ang tao ay likas sa daigdig. Ang kaniyang panloob na buhay ay humuhubog sa kapaligiran at malalim ding naapektuhan nito. Ang isa ay nagkakabisa sa kabila at ang bawat namamalaging pagbabago sa buhay ng tao ay bunga nitong magkatapat na reaksyon.
Kaugnay nito, pinahahalagahan ng mga Bahá’í ang pag-iral ng dalawang layuning napakahalaga sa kanilang buhay: ang pag-asikaso sa kanilang sariling espiritwal at pangkaisipang pag-unlad at ang pagtulong sa pagbabago ng lipunan.
Ang dalawang layuning ito ay tumutulong sa paghubog sa mga pagsisikap ng mga Bahá’í sa lahat ng larangan. Sa gayon, halimbawa, hindi lamang sila inaasahang manalangin at magnilay-nilay araw-araw sa kanilang personal na buhay, kundi ay gumawa rin ng mga pagsisikap upang mapuspos ang kanilang kapaligiran ng madasaling diwa; hinihiling sa kanilang hindi lamang palalimin ang sarili nilang kaalaman tungkol sa Pananampalataya, kundi ay ibahagi rin sa iba ang mga turo ng Bahá’u’lláh; hindi lamang sila pinapayuhang matutong paglabanan ang mga udyok ng pagkamakasarili sa kanilang sariling buhay, kundi ay sikapin din, taglay ang lakas-loob at pagpapakumbaba, upang baligtarin ang mga gawi ng isang kulturang pinupuri ang pagpaparaya sa sariling kagustuhan at pinahihina ang mga pundasyon ng pagkakaisa.
Pagsasaliksik sa paksang ito
Ang tatlong paksang kasama sa bahaging ito ay nagbibigay ng isang sulyap sa maraming mga paraang sinisikap gamitin ng mga Bahá’í upang makatugon nang nararapat sa panawagan ni Bahá’u’lláh.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
