Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Panlipunang Pagkilos
Ang mga pagsisikap ng Bahá’í ng pagkilos panlipunan ay naglalayong isulong ang panglipunan at materyal na kagalingan ng mga tao sa lahat ng mga kalagayan, anuman ang kanilang paniniwala o pinanggagalingan. Ang gayong mga pagsisikap ay ibinubunsod ng hangaring mapaglingkuran ang sangkatauhan at makatulong sa pagbabago ng lipunan. Itong dalawang hangarin ay kumakatawan sa isang lumalagong proseso ng pagsisikap matuto kung paano ilalapat sa totoong buhay ang mga turo ng Bahá’u’lláh, kasama ang kaalamang natitipon mula sa iba't ibang larangan ng pagsisikap ng tao, doon sa realidad ng lipunan.
Ang mga suliraning kaugnay ng pag-unlad na panlipunan at pangkabuhayan ay maaaring maging masalimuot, at ang mga pagsisikap ng mga Bahá’í na makisali sa pagkilos panlipunan, kung ihahambing dito, ay maliit lamang. Karaniwan itong isinasagawa ng maliliit na mga grupo ng mga indibidwal sa isang lokalidad kung saan ang mga kurso ng training institute ay pinag-aaralan ng nakararami. Lumilitaw ang mga pagsisikap mula sa lumalaking sama-samang kamalayan. Karamihan ay mga proyektong nagtatagal sa takdang panahon. Nagtatapos ang mga ito kapag natupad na ang mga layunin nito. Maaaring nauugnay ang mga ito sa alinman sa iba't ibang mga larangan, halimbawa, sa kalusugan, kalinisan, edukasyon, agrikultura o pangangalaga sa kapaligiran. Anuman ang likas nitong katangian, nilalayon nitong pabutihin ang ilang aspeto ng buhay ng lokal na populasyon. Sa ilang mga pagkakataon, ang mga nakikibahagi sa pagkilos panlipunan sa antas ng masa ay nagagawang palawakin ang saklaw ng kanilang mga gawain sa isang natural na paraan, at ang kanilang mga pagsisikap ay nagiging mga proyektong nagpapatuloy nang mas matagal, at istraktura ng pangangasiwa.
Sa ganoong mga pagkakataon, ang isang non-profit, non-governmental organization ay maaaring itatag ng isang grupo ng mga Bahá’í, na madalas may mga kasamahang kahalintulad din nila mag-isip, upang matugunan ang isa o iba pang paksa ng suliraning pag-unlad na panlipunan at pang-ekonomiya. Gumagawa batay sa mga simulain ng Pananampalatayang Bahá’i, ito ay karaniwang tinatawag na organisasyong “Bahá’í-inspired”. Nagbibigay ito ng kakayahang pang-institusyon sa isang bansa o rehiyon upang harapin ang pagtuklas, paglapat at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa pag-unlad. Karaniwan, ang gayong organisasyon ay magsisimula sa isang pangunahing hanay ng mga kilos at tutulutang maging hugnay ang mga pagsisikap sa paglipas ng panahon.
Para sa mga pamayanan sa karamihan ng mga rehiyon, ang isa sa unang mga alalahanin ay ang matiyak na ang kanilang mga anak na bata at kabataan ay may pagkakataong magkaroon ng maayos na edukasyong pang-akademiko. Sa kasalukuyan, may ilang mga organisasyong Bahá’í-inspired na nakabuo na ng malinaw na mga programa, lalo na sa larangan ng edukasyon, at ang mga miyembro ng mga pamayanang lokal sa buong daigdig, sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay sa paggamit ng mga aralin, ay maaaring gamitin ang kanilang mga paraan at mga kaparanaanan. Maraming mga kabataang lalaki at babae na may kakayahan ang lalong makikinabang dito, yamang hindi na sila mapipilitang lisanin ang kanilang mga nayon at mga kapitbahayan upang maghanap ng trabaho. Sa mga kakayahang nalinang nila sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga kurso sa institute ay naidaragdag ang bagong mga kaalaman at mga kasanayan. At sila ang nagbubunsod ng karagdagang pag-unlad: ang kakayahan sa pamayanan ay tumataas, kahit bahagya lamang, upang gumawa ng sama-samang pagkilos sa mga larangang tulad ng edukasyon, kalusugan, at paggawa ng pagkain at upang mapaglabanan ang impluwensya ng mapanirang mga puwersa na sumisira sa buhay ng lipunan.
Sa ganitong kapaligiran, ang lokal na lupon ng pamamahala o Local Spiritual Assembly ay tumatayo bilang tinig ng moral na awtoridad. Nakikipag-ugnay ito sa mga istrukturang panlipunan at pampulitika sa lokalidad, nakikipagsanggunian sa kanila tungkol sa mga pagsisikap na isinasagawas ng mga Bahá’i para sa pag-unlad ng nayon o kapitbahayan. Tinitiyak din nitong, habang nagsusumikap ang maliliit na mga grupo upang mapabuti ang mga kalagayang lokal, na ang integridad ng kanilang mga pagsisikap ay hindi malalagay sa alanganin. Naiiwasan ang mga proyektong labis na mapaghangad, na umuubos ng lakas at sa wakas ay pumipigil sa pag-unlad. Ang mga pagsisikap ay lumalaki alinsunod sa kakayahan ng lokal na populasyon na isulong ang mga iyon. Ang pagpapanatili ay isang likas na bunga ng proseso mismo.
Para sa mga Bahá’i, ang pagkilos panlipunan ay isinasagawa nang may pananalig na ang bawat populasyon ay may kakayahang bagtasin ang landas ng sarili nitong pag-unlad. Ang pagbabago sa lipunan ay hindi isang proyekto na isinasagawa ng isang pangkat ng mga tao para sa kapakinabangan ng iba.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
