+63 (2) 7914 0030 nsa@bahai.org.ph

Lumalakad sa Isang Espirituwal na Landas

Binibigyan-diin ng mga katuruang Bahá’í na ang bawat tao ang namamahala sa kaniyang sariling espiritwal na pag-unlad. Samantalang ang mga institusyon ay nariyan upang gumabay at palayain ang mga sigla, at ang pamumuhay ng pamayanang Bahá’í ay dapat natatangi sa kapaligiran ng magiliw na pagsasanggunian at paghihikayat, ang tungkulin para sa espiritwal na paglaki sa huling pagsusuri ay nasa balikat ng bawat indibidwal. Sa katunayan, walang klerigo sa Pananampalatayang Bahá’í; ang pamayanang Bahá’í ay hindi mailalarawan sa anyo ng pastor at ng kongregasyon, ni hindi bilang isang lupon ng mga sumasampalatayang pinamumunuan ng mga dalubhasang tumataglay ng awtoridad na bigyang kahulugan ang mga santong kasulatan.

Ang nagtutugunang mga bahagi ng pagtahak sa isang espiritwal na landas ay isang paksa na patuloy na sinasaliksik ng mga Bahá’í, nang kapuwa indibidwal at sama-sama, sa kanilang mga gawain at pagsasanggunian. Ang ilang mga aspeto ay malinaw: na ang pagtutuon lamang ng pansin sa sarili ay napatunayang walang mabuting naibubunga; na ang landas ay kailangang tahakin kasama ang mga iba—bawat isa ay nagbibigay at tumatanggap ng pagmamahal, tulong at paghihikayat; na ang gawi na pahintulutan ang pagmamagaling sa sarili ay kailangang maingat na pigilan; at ang kababaang-loob ay isang pangangailangan ng pag-unlad.

Walang kaluluwang lumalakad sa espirituwal na landas na ito ang maaaring mag-angkin ng kaganapan. Gayumpaman, ang uri ng relativismo na sumasalungat sa pagsunod sa malinaw na isinaad na mga huwaran at simulain ay walang lugar dito. Hinihiling sa bawat Bahá’í ang gumawa ng pagsisikap araw-araw upang unti-unting maipakita sa kaniyang asal ang mga pamantayang inilarawan ni Bahá’u’lláh, gaanuman kahirap ito matamo.

Isang higit na masusing paliwanag ng paniniwalang Bahá'í sa paksang ito, kasama ang kalipunan ng mga lathalain sa mga paksa ng kaluluwa ng tao, panalangin, pagninilay-nilay, at ang pag-unlad ng mga katangiang espiritwal, ay matatagpuan sa bahaging pinamagatang "Ang Buhay ng Espiritu" sa loob ng bahaging "Ang Paniniwala ng mga Baha’i" sa website na ito.

































...

Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.