Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Ang Pag-unlad ng isang Pandaigdigang Pamayanan
Ang pagtatatag ng pandaigdigang kabihasnan na inilarawan ni Bahá’u’lláh ay hindi maisasakatuparan sa pamamagitan ng kalat-kalat na pagsisikap ng mga indibidwal, gaanuman sila katapat at nagmamagandang-loob. Ang isang pamayanan, na nagkakaisa sa pag-iisip at pagkilos, ay kailangang mabuo, lumaki, at patuloy na lumago ang mga tagumpay.
Nakikita ng bawat Bahá’í ang kaniyang sarili bilang isang miyembro ng isang pamayanan ng mga kasapi sa antas ng lokal, pambansa, at pandaigdig. Ang bawat pagsisikap ay ginagawa upang matiyak na, sa bawat isa sa mga antas na ito, ang mga pamayanan ay nananatiling masigla at bukas sa lahat ng mga tao; lubos ang pag-iingat upang maiwasan ang natatagong mga panganib ng pagiging eksklusibo. Pinayuhan tayo ni 'Abdu'l-Bahá: "Huwag kayong makakita ng mga di-kilala; sa halip ay tingnan ang lahat ng tao bilang mga kaibigan, sapagkat ang pag-ibig at pagkakaisa ay mahirap makamtan kapag ang inyong paningin ay nakapako sa pagkakaiba. … Sapagkat ang bawat nilikha ay isang palatandaan ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Panginoon at sa Kaniyang kapangyarihan ang bawat isa ay humakbang sa daigdig; samakatwid sila ay hindi mga estranghero bagkus ay isang pamilya; hindi mga banyaga subalit mga kaibigan, at dapat ituring nang gayon.”
Ang pamayanang Bahá'í ay unti-unting nabuo—mula sa maliit na bilang ng unang mga nakarinig ng mensahe ng Báb, hanggang sa masiglang pangkat ng mga tagasunod ni Bahá’u’lláh sa mga lungsod at mga nayon sa Persia noong ikalabinsiyam na siglo, hanggang sa isang pandaigdigang pamayanan ng milyun-milyon sa kasalukuyan, na may mga miyembro sa mahigit 100,000 mga lokalidad sa halos bawat bansa at teritoryo sa buong daigdig.
Mababasa ang higit pa tungkol sa Bahá'í na paraan sa pamayanan at sa pagtatatag ng pamayanan, sa bukas na katangian ng pamumuhay ng pamayanang Bahá'í, at sa mga ugnayang sinisikap buuin ng mga Bahá'í sa pagitan ng mga indibidwal, mga pamayanan, at mga institusyon, sa lathalaing pinamagatang "Pamayanan", na matatagpuan sa loob ng bahaging "Ang Paniniwala ng mga Baha’i" ng website na ito.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
