Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Madasaling Pamumuhay
Ang paglilingkod at pagsamba ay nasa kaibuturan ng paraan ng pamumuhay ng pamayanang sinisikap itatag ng mga Bahá’í sa buong daigdig. Ang dalawang ito ay magkaiba, ngunit hindi mapaghihiwalay na mga elementong nagbubunsod sa pagsulong ng buhay ng pamayanan. Isinulat ni 'Abdu'l-Bahá na, "Ang tagumpay at kasaganaan ay nakasalalay sa paglilingkod at sa pagsamba sa Diyos".
Ang dasal ay mahalaga sa buhay ng mga Bahá’í, maging sa antas ng indibidwal, pamayanan, o mga institusyon. Muli’t muling ibinabaling ng mga Bahá’í ang kanilang mga puso sa Diyos sa pagdarasal sa buong araw—sumasamo ng tulong sa Kaniya, nagmamakaawa sa Kaniya para sa mga mahal sa buhay, nag-aalay ng pagpuri at pasasalamat, at humihingi ng banal na mga pagpapatibay at paggabay. Karagdagan dito, ang mga pagpupulong ng pagsasanggunian at mga pagtitipon kung saan nagsasama-sama ang mga kaibigan upang magsagawa ng isa o iba pang proyekto ay karaniwang nagsisimula at nagtatapos sa mga panalangin.
Nagdaraos din ang mga Bahá’í ng mga pagtitipon kung saan ang mga kaibigan, mga Bahá’í at iba pa, ay nagkakaisa sa pagdarasal, na madalas isinasagawa sa mga tahanan ng isa’t isa. Ang ganitong mga pagtitipon upang manalangin, o devotional meeting, ay gumigising sa mga damdaming espiritwal ng mga kalahok, at kasama ng mga gawain ng paglilingkod na kanilang ginagawa, ay nagbubunga ng isang paraan ng pamumuhay ng pamayanan na lipos ng diwa ng pamimintuho at nakatuon sa pagtatamo ng espiritwal at materyal na kasaganaan.
Ang pagsasama ng pagdarasal at paglilingkod ay naihahayag sa institusyon ng Mashriqu'l-Adhkár. Ang istraktura ay binubuo ng isang sentrong gusali na siyang tampulan ng pagsamba sa isang lugar na heograpiya, at ng pantulong na mga institusyon na nakatalaga sa pagbibigay ng edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at iba pang mga serbisyong nauugnay sa panglipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad ng pamayanan. Bagaman iilan pa lamang na mga Mashriqu'l-Adhkár sa daigdig ngayon, ang mga binhi para sa pagtatayo ng mga ito sa kalaunan ay itinatanim na sa patuloy na dumaraming mga pamayanan, at sa hinaharap ang bawat lokalidad ay makikinabang mula sa gayong pisikal na istraktura.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
