Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Ang Pananampalatayang Baha'i
Mga Puwang para sa Pagsasanggunian
Sinabi ni Bahá’u’lláh:
"Ang pagsasanggunian ay nagkakaloob ng higit na kamalayan at binabago ang haka-haka upang maging katiyakan. Ito ay isang nagniningning na liwanag, sa mapanglaw na daigdig, na umaakay sa daan at gumagabay. Para sa lahat ng bagay ay mayroon at patuloy na magkakaroon, ng kalagayan ng kasakdalan at kaganapan. Ang kaganapan ng kaloob ng pag-unawa ay nagiging hayag sa pamamagitan ng pagsasanggunian.”
Ang matapat, mahinahon at magalang na pagsasanggunian ay mahalaga para sa tagumpay ng anumang sama-samang paggawa at ang pagkaluklok nito sa kaibuturang sentro ng pagkilos ng mga institusyong Bahá’í ay isa sa mga palatandaan ng pamamalakad ng pampangasiwaang kaayusang Bahá’í. Ang layunin ng gayong pagsasanggunian ay hindi lamang upang magkaroon ng balangkas kung saan maaaring gawin ang sama-samang mga pasiya—mahalaga man ito. Ito ay isang paraan ng pagtutugma-tugma sa mga pananaw, ng pagtataguyod ng pagkakaisa sa mga miyembro ng pamayanan, ng pagpapalakas ng mga bigkis ng pagtitiwala at pagmamahalan sa pagitan ng mga indibidwal at ng mga institusyon; at ng pagbibigay-daan upang ang bagong mga pananaw sa masalimuot na mga paksa ay mailabas at masuri nang mahinahon. Nagsisilbi din itong mapangalagaan ang masistemang pagkilos, sa pagpapanatili ng pagtutok ng mga kalahok sa isang hanay ng mga kilos at sa pagbibigay-daan sa pagsama ng magkakaibang mga pananaw sa pag-unawa ng grupo ukol sa mga paksang hinaharap, at ginagabayan ang pag-unlad ng kanilang mga gawaing nauugnay. Kaugnay nito, ang pagsasanggunian ay isang bahaging di maaaring mawala sa paraan ng pagsisikap matuto na isinasagawa ng pamayanang Bahá’i sa lahat ng mga pagsusumakit nito.
Ang mabisang pagsasanggunian, na hindi pinahihintulutan ang paghamon at pagtatalo, o ang paggiit ng mga pananaw o mga plano, ay nasa sentro ng pamamalakad ng mga Local at mga National Spiritual Assembly. Gayumpaman, ang mga simulain ng pagsasanggunian ay ipinatutupad, sa iba't ibang mga antas ng pormalidad, sa maraming iba pang mga puwang: sa iba't ibang mga institusyon at mga lupon ng pangangasiwa; sa loob ng pamilya; sa pagitan ng mga institusyon at ng pamayanan; sa mga kalahok ng tanging mga proyekto, at—nagiging higit na madalas—sa mga indibidwal at mga sangay na gumagawa sa lokal na antas upang pagtugmain ang mga tulong ng pamayanang Bahá’í para sa ikabubuti ng lipunan.
Isinulat ng Universal House of Justice:
“… Ang Bahá’í na pagsasanggunian ay kailangang isagawa sa lubos na pagmamahalan, katapatan, at pagkakaisa. Ang mga kalahok nito ay dapat magtipon sa isang madasaling saloobin, humihingi ng tulong mula sa Kaharian ng Kaluwalhatian, malayang nagpapahayag ng kanilang mga saloobin, isinusuko ang lahat ng pagkagiliw sa kanilang mga indibidwal na opinyon, at nagbibigay ng makatarungang pag-iisip at maingat na pagsasaalang-alang sa mga pananaw ng iba, sa isang pagsisikap na maabot ang pagkakasundo. Ipinapayo sa atin ni 'Abdu'l-Bahá na, sa pagsisikap umabot sa isang pasiya, kung ang talakayan ay labis na tumagal o nauwi sa pagtatalo, ang pagsasanggunian ay dapat ipagpaliban at ituloy sa higit na mabuting oras. Magtiwala na, habang isinasagawa ninyo ang pagsasangguniang Bahá'í sa mga pamilya o sa maliliit na mga grupo, ang taimtim ninyong mga pagsisikap na sumunod sa mga simulaing ito, dahil sa kapangyarihan ng Kasunduan at sa tulong ng Diyos, magagawa ninyong malutas ang malaking bahagi ng mga suliraning hinaharap ninyo. Mangyari pa, dapat tandaang ang layunin ng pagsasanggunian ay hindi kinakailangang laging umabot sa isang natatangi o pangwakas na pasiya. Madalas ang layunin ay magkaroon lamang ng palitan ng mga pananaw upang makatulong sa paglilinaw ng isang bagay at magdulot ng pagkakaisa ng larawang-isip.”
Karagdagan sa nilalaman ng pahinang ito, maaaring tukuyin ang mga reperensiya sa Bahá’í na pagsasanggunian sa kabuuan ng website na ito. Maaaring maghain ng partikular na interes ang pagsisiyasat sa mga katangian at mga saloobin—ang pagiging madasalin, pagpapakumbaba, pagkawalay, at pagpapasensya, upang bumanggit ng ilan—na dapat taglay ng mga kalahok sa Bahá'í na pagsasanggunian, na matatagpuan sa lathalain tungkol sa Local Spiritual Assembly sa loob ng bahaging "Ang Paniniwala ng mga Bahá'í ” ng site, at gayundin ang paglalarawan ng napakahalagang ginagampanan ng pagsasanggunian sa pamumuhay ng pamayanang Bahá’í sa Bahagi III ng Ang Ipinangakong Kapayapaang Pandaigdig sa kalipunan ng paksang Pandaigdigang Kapayapaan.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
