Ang Pinaniniwalaan ng mga Bahá’í
Pambatang mga Klase
Nakikita ng mga Bahá’í ang mga bata bilang pinakamahalagang kayamanang taglay ng isang pamayanan. Nasa kanila ang pangako at garantiya ng hinaharap. Gayumpaman, upang maisakatuparan ang pangakong ito, ang mga bata ay kailangang tumanggap ng espiritwal na pangangalaga. Sa isang daigdig kung saan ang kaligayahan at pagka-inosente ng pagkabata ay madaling magapi ng walang pakundangang pagtugis sa materyosong mga layunin, ang moral at espiritwal na edukasyon ng mga bata ay nagkakaroon ng matinding kahalagahan.
"Ituring ang tao bilang isang minang mayaman sa mga hiyas na di matantiya ang halaga. Ang edukasyon lamang ang makapaglalabas ng mga kayamanan nito at makapagbibigay kakayahan sa sangkatauhan upang makinabang mula roon." - Bahá’u’lláh
Ang pamayanang Bahá’í sa bawat antas ay lubos na naiintindihan ang pangangailangang tumugon sa espiritwal na mga pangarap ng mga kabataan, at ang mga kabataang higit na nakatatanda ay karaniwang sabik tumanggap ng responsibilidad para sa pag-unlad ng mga nasa paligid nila na mas bata sa kanila. Kung gayon, ang mga gawaing pang-edukasyon para sa mga bata, ay madalas na kabilang sa mga unang napaparami sa isang pamayanan.
Sa nakaraang mga taon, ginagampanan ng mga training institue sa buong daigdig ang isang mahalagang bahagi sa pagsasanay ng mga guro upang isagawa ang mga klase para sa espiritwal na edukasyon ng mga bata. Binibigyan-diin ng mga araling binuo para magamit ng mga institute ang pagtatamo ng mga katangiang espiritwal—halimbawa, katotohanan, pagkabukas-palad, kadalisayan ng puso, at kabaitan, upang bumanggit ng ilan—na itinuturing bilang mga katangian ng Diyos na makikita sa salamin ng puso ng tao. Sa magkakasunod na taon, nagpupundar ang mga aralin sa pag-unawa sa mga katangiang ito at nagdaragdag ng mga araling nauugnay sa kasaysayan at sa mga Kasulatan ng Pananampalatayang Bahá’í. Ang layunin ay upang maabot ng mga bata ang isang yugto kung saan maaari na nilang maunawaan at makakilos ayon sa pangangailangang alagaan ang kanilang sariling espiritwal na pag-unlad at makatulong sa mabuting kalagayan ng lipunan.
Binibigyan din ng mga institusyon ng Pananampalataya ng malaking pansin ang paksa ng pagbabangon ng mga yamang-tao na magsasagawa ng mga klase para sa mga bata. Kaugnay nito, naglalaan sila ng mga malaki-laking mga yaman sa pagtatatag at pagpapanatili ng isang mabisang sistema ng koordinasyon para sa pagsasanay ng mga guro, sa pagbubukas ng mga lagusan para sa pagdaloy ng patnubay, ng mga aralin, at ng mga natututunan mula sa at patungo sa antas ng masa.
Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.
