+63 (2) 7914 0030 nsa@bahai.org.ph

Pamumuhay ng Pamilya

Mabilis mapahahalagahan ng sinumang tagamasid ng pamayanang Bahá’í ang pagbibigay-diin nito sa pamumuhay ng pamilya at sa edukasyon ng mga bata. Nakikita ng pamayanang Bahá’í ang pamilya bilang pinakaubod ng lipunan ng tao—isang puwang kung saan nililinang ang kapupuri-puring mga kagandahang asal at kakayahang kinakailangan para sa pagpapabuti ng lipunan. Nauunawaan nitong ang mga gawi at mga paraan ng pag-uugali na nililinang sa loob ng pamilya ay nadadala sa pinagtatrabahuan, sa pamayanang lokal, sa buhay panlipunan at pampulitika ng bansa, at sa larangan ng mga ugnayang internasyonal.

Samakatwid, sinisikap ng mga Bahá’í na patuloy na palakasin ang mga ugnayang espiritwal na nagbubuklod sa pamilya. Ang bawat miyembro ng pamayanang Bahá’í ay tumutulong upang mapanatili ang isang nagtututugunang pamumuhay ng pamilya na kinikilala ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, nililinang ang mapagmahal at magalang na ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak, at nagtataguyod ng mga tuntunin ng pagsasanggunian at pagkakaisa sa paggawa ng mga pasiya.

Sinisikap ng mga pamilyang Bahá’í na mapangalagaan ang pagmamahal sa lahat ng mga tao, pagpaparaya sa mga pagkakaiba, isang matinding pagpapahalaga sa katarungan, at malasakit sa iba. Malaking pagsisikap ang ginagawa upang mapalaki ang mga bata na nauunawaan ang pagkakaisa ng sangkatauhan at sa gayon ay tinitingnan ang bawat kaluluwa, hindi alintana ang relihiyon, etnisidad, o anumang iba pang ugnayan, bilang isang kapwa tao, at upang maihayag ang panawagan ni Bahá'u’lláh na ituring ang isa’t isa bilang "mga bunga ng iisang puno, at ang mga dahon ng iisang sanga." Ang paglitaw ng kaisipang "tayo at sila"—isang nakapipinsalang saloobin na maaaring lumitaw kapag ang labis at makitid na pag-iisip ay binibigyan-diin sa mabuting kalagayan ng sariling pamilya, at ang mga pangangailangan at mga kapakanan ng iba ay hindi binibigyang-pansin—ay dapat laging iwasan. Sapagkat, sa huling pagsusuri, ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng pamilya ay hindi maaaring maging dahilan upang mabawasan ang pagtatalaga ng sarili sa katarungan at malasakit.

Sa isang panahon kung kailan ang isa sa pinakamaliwanag na mga palatandaan ng kabulukang moral ay ang pagkasira ng mga ugnayan sa pamilya, hindi maliit na gawain ang arugain ang uri ng pamumuhay ng pamilya na inilalarawan sa mga katuruang Bahá'í sa loob ng maraming mga kultura at mga tradisyong matatagpuan sa pamayanang Bahá'í. Sa buong daigdig, sa mga lungsod at mga kanayunan, ginagamit ng mga institusyong Bahá'í ang lahat ng paraan sa kanilang mga kamay—pagsasaayos ng mga kurso at mga kumperensya, pagbubuo ng mga pag-aaral sa tag-init at taglamig, pagbibigay ng payo at gabay sa paglitaw ang mga suliraning—upang makatulong sa pagpapalakas ng pamumuhay ng pamilya.

Ang mga pag-aaral sa tag-araw at taglamig ay naging mga katangian ng buhay ng pamayanang Bahá'í sa loob ng maraming taon. Bilang karagdagan sa pagbibigay ng isang pagkakataon sa mga kalahok upang pag-aralan ang mga kasulatang Bahá'í at sikaping makamtan ang higit na ganap na pag-unawa sa kahalagahan ng mga ito, nagbibigay-daan itong pana-panahong mga pag-aaral na ito upang gumugol ang mga pamilyang Bahá'í ng isang panahon upang magsama-sama sa isang masayang kapaligiran na nakatutulong sa pagsisikap matuto at sa pagpapalakas ng mga bigkis na espiritwal. Dito ay maaaring makikita ang mga larawan ng mga Bahá'í na pag-aaral sa tag-init at taglamig, mula sa mga unang taon ng ika-20 siglo hanggang sa kasalukuyan.

































...

Ang bahai.org.ph ay ang opisyal na website ng mga Baha'i ng Pilipinas. Ito ay nilikha at pinagmamahalaan sa ilalim ng ng patnubay ng National Spiritual Assembly ng mga Baha'i ng Pilipinas, ang siyam-na-miyembrong halal na namumunong katawan ng kumunidad ng Baha'i sa Pilipinas.